Tuesday, March 22, 2016

Gradweyt ka na pala! Ano na?

Panahon na naman ng pagtatapos ng mga mag-aaral. Nakahinga na ng maluwag hindi lamang ang mga estudyante pati na rin ang mga magulang o ang mga nagpaaral sa ilang taong sakripisyo at pagsusunog ng kilay upang makapag-aaral. Ngunit magsisikip ulit yan kapag dumating sa ilang buwan o taon nang gradweyt ay wala pa rin trabahong napapasukan. Mataas daw ang literacy rate ng mga Pinoy kumpara sa mga bansang namamarehas ng estado ng ekonomiya ng Pilipinas. Mataas man ang literacy rate, mababa naman ang employment rate at mahirap pa rin ang bansa. Ang hinasang dunong ay napakalimitadong mai-apply sa tunay na buhay kung dito rin lamang aasa sa kasalukuyang kalagayan ng Pinas. Walang siguradong trabaho ang naghihintay sa mga nagsisipagtapos at maaring dagdag na naman sa mahabang listahan ng unemployed ng mga nakaraang taon.

Ang mga de-kalibreng mag-aaral na nagsipagtapos ay may pangunahing target na makapagtrabaho sa ibang bansa upang doon linangin ang karera. Dati noon, tanungin mo ang isang bata, 'bakit gusto mong mag-nurse?', isasagot sa'yo 'kase po, gusto kong mag-alaga ng maysakit'. Ngayon, kapag tinanong mo na ang isang bata, isasagot sa'yo, 'kase po, gusto kong makapunta ng Canada o Europe'. Nakakaranas na raw ng 'brain drain' ang Pinas dahil sa sitwasyong ito. Ang mga Pinoy ay naka-program na mag-aral sa bansa pagkatapos ay mag-alsabalutan upang magtrabaho sa ibang bansa. Walang sapat na pagtatrabahuhan, mababa ang sahod na hindi makakabuhay ng disenteng pamilya kaya napipilitang lisanin ang sariling bayan. Dito rin makakakita na ang ibinayad mong tuition fees noong pumapasok ay mataas pa kaysa sahod mo kapag nakapagtrabaho.




Sa Pinas, ang mga graduates ng iba't ibang kurso ay iisa ang denominasyon ng babagsakang trabaho, kung hindi pagiging call center agent ay isang factory operator ng mga kompanyang pag-aari ng mga dayuhan. Ito ang ibinibida ng pamahalaan na nagbo-boom daw ang ekonomiya ng dahil dito. Oo, nadagdagan nga ang kabuhayan ngunit ito ay pantawid-gutom lamang ng mamamayan, walang nakaprogramang makaahon at umasenso. Ang GDP ng bansa ay mas nakalalamang ang services kaysa goods na nalilikha kaya naman walang sapat na pansariling produktong gamit na umiikot at ultimo bigas ay inaangkat pa sa Vietnam at Thailand. Halos lahat na lang, servicing, outsourcing ang namamayagpag na trabaho kaya naman walang sariling produkto na nalilikha ang bansa. Nagkalat ang mga industrial parks sa Calabarzon ngunit ang mga kompanyang nakatayo ay pag-aari ng mga banyagang Hapon, Intsik, Koreano, Kano at marami pa, na inaabuso ang napakamurang dalawa-singkong pasahod sa mga alilang Pinoy. Mistulang ang tanging papel lamang ng mga pinoy sa mga ito ay magsilbing murang alipin, literal na alipin sa sariling bayan, ito ang masakit na katotohanan. Ang mga halimaw na negosyante ay hindi binibigyang pagkakataong umangat sa buhay ang mga empleyado. Ni hindi binibigyang pagkakataong makapamuhunan din na makapagtayo man lang ng maliit na negosyo na balang araw ay sila naman ang tumanggap ng ibang magtatrabaho.

Ang mga mayayamang Pinoy o Tsinoy na negosyante ay mga walang ambag na produktong pwedeng ihilera sa pandaigdigang pamilihan. Kung hindi mga negosyong malls at entertainments ay negosyong pambisyo tulad ng alak at sigarilyo ang mga nagpayaman sa kanila. Yes, bisyo at leisure, entertainment ang mga nangungunang negosyo dahil ang mga ito ay madadaling ibenta sa mga tao at dyan magagaling ang mga Pinoy. Walang namayagpag na tatak-pinoy na produkto sa pandaigdigang pamilihan. Ika nga e, 'you have microchip, we have banana chip', 'you have spaceship, we have spacejeep (eto yung jeep na kayang kumarga ng isang barangay na hindi aarangkada hanggang hindi pa nakabitin ang driver)'. Ang South Korea noong 60's ay nasa krisis ng digmaan. Nagpadala pa nga ang Pinas ng tropa ng mga sundalo doon upang umayuda upang hindi masakop ng komunista ang kanilang bansa. Tingnan naman natin sila ngayon, yang hawak mong Samsung cellphone, gawa nila yan. Nariyan pa ang international car brands na Kia, Hyundai, Daewoo na galing din sa S.Korea. Anyare? Pareho-pareho lamang naman tayo ng librong binabasa. Dito makikita na ang talino at pinag-aralan ay ginagamit para makalikha hindi para magpaalila.

So, gradweyt ka na pala! Saan ang tungo mo? Kapag hindi ka bihasang mag-ingles, sori ka na lang dahil wala kang lugar sa 'job opportunity boom' na call centers na ipinagmamalaki ng pamahalaan. Nais mong magtrabaho sa gobyerno, kung wala kang backer, sori ka na lang, hindi doon kailangan ang talino, ang kailangan doon ay padreno. Magtataka ka, marami ang nakatengga at walang trabaho o hindi tugma sa trabaho ngunit malaki ang kakulangan ng bayan kahit sa mga pangunahing trabaho tulad ng guro, doktor at nars, pulis at military, at inhenyero. Isa lang ang dahilan n'yan, walang pampasahod dahil sa nagdarahop ang bansa. Nakakahon sa mahinang ekonomiya upang tustusan ang pangangailangan ng bansa.

Sa tahanan at paaralan, ang pangunahing ipinagsisiksikan sa utak ng mga bata ay 'mag-aral kayo nang makakuha ng magandang trabaho balang araw'. Ganito ang tipikal na kaisipan kung bakit nag-aaral ang mga Pinoy. Idinidesign na maging good workers or good peasants, o maging aliping sagigilid at magtrabaho sa ideyang inisip ng iba. Bakit kaya hindi natin palitan ang kaisipan ng 'mag-aral kayo at nang balang araw ay makatuklas at makalikha ng maraming trabaho'. Ito dapat ang kaisipang itinuturo sa paaralan. 'Ika nga ng kasabihan, 'a child should not teach what to think, but teach him how to think'.

Monday, March 21, 2016

Dutertard

Ako raw ay isang dutertard sabi ng isang nagreply sa comment ko tungkol kay Mayor Duterte na tumatakbong presidente ng Pinas. 'Dutertard' ang mapanuyang katawagan sa isang taong humahanga at naniniwala sa mga sinasabi at ginagawa ni presidential aspirant Mayor Duterte. Ito marahil ay pinaghalong salita na duterte+retard, o nangangahulugan diumano ng pagkahumaling kay Mayor Duterte ay hindi na tumatanggap ng ibang paliwanag.


Aminado ako na fanatic ako ng mamang ito dahil siya lamang ang alam kong presidentiable na 'may bayag' na kayang baguhin ang lugmok na kalagayan ng bansa sa droga, kurapsyon, at kahirapan. May kakayahang baguhin, as in, turn the country upside-down upang linisin ang mga latak at dugyot na kalagayan ng lipunan. Sino ba ang presidente mo? Si Grace Poe, na itinakwil ang sariling estado, hilaw ang karanasan sa kalagayan ng bansa, at gusto rin daw maging panday na katulad ni FPJ? Si Binay na batbat ng kaso ng katiwalian, na inienjoy lamang ang immunity bilang VP kaya hindi makasuhan, parang mas marami pa ang naibulsang kaban kaysa napunta sa bayan at pati yata kanilang aso ay may pwesto sa pulitika na kapareho rin niyang korap at walang ginagawa? Si Mar 'bahala kayo sa buhay nyo' Roxas na humawak ng mahahalagang departamento ay naging inutil at ginawang inutil (i.e. walang alam sa Mamasapano incident, at parang zombie sa Yolanda tragedy)? Si Miriam na isang bulate na lang ang hindi pumipirma ay magpapaalam na?  Ilang presidente na ang naupo, at paulit-ulit na walang nagawang masasabing malaking pagbabago, all were recycled shit politicians, ang iba'y nananalo dahil lamang sa awa at kunwaring mga anghel at pagkatapos naman ng termino, ang bansa ay isa pa ring nganga. May mga kandidatong naghahangad ng ipinakamatataas na pwesto sa pamahalaan ngunit wala namang mga ibubuga. Sumisilong lamang sa anino sa kasikatan ng mga namayapang kamag-anak. Ngayon, ang tao ay sawang-sawa na at naghahanap ng isang tunay na pagbabago, isang taong may napatunayan, may political will at hindi corrupt. 'Ika nga, rule of the thumb, kapag ang pinuno ay hindi corrupt, half of the battle was already won.

Ang malalaking media tulad ng Abs-cbn, Inquirer, Rappler ay patuloy na binibira, sinisiraan sa pamamagitan ng malimit na paglalathala ng mga 'negative side' ni Duterte. Ang mga kalaban ay may malaking pondo para pambayad sa tv, radio ad campaigns, at pambayad sa 'under the table' transactions sa mga 'enveloped journalists' o 'di kaya naman ay may koneksyon at may share sila sa mga media networks na'to. Aayudahan pa 'yan ng nilutong surveys ng SWS at Pulse Asia na pag-aari rin ng mga negosyanteng konektado sa 'minamanok' na pulitiko. Pero hindi matitinag ang mga Duterte fans dahil sa paniniwalang siya ang huling baraha ng sambayanan. Marami ang gumagawa ng paraan upang maikampanya sya kahit sa sariling paraan. Makikita yan sa mga daan, post sa social sites ang mga walang bayad na campaign materials para kay Duterte. Ang mga kalabang kandidato ay garapal na tumatanggap ng campaign donations sa malalaking negosyante kaya naman hawak na sila sa leeg kapag naupo sa pwesto. Ang mga negosyante ay pumupusta sa mga kandidato kapalit ng 'proteksyon' sa negosyo kapag nanalo. Kumbaga, para sa mga negosyanteng ito, ang mas corrupt, mas maganda, ang mas aanga-anga, mas maganda. Kaya huwag na tayong magtaka kung bakit susuportahan at popondohan nila ang kandidatura ni Binay at Poe. Dahil para sa mga negosyanteng ito, business muna bago bayan. Ito ang iniiwasan ni Digong, ang magkaroon ng utang na loob sa mga ganid ng negosyante na tunay na dahilan ng paghihirap ng bansa.

Sabi ng isang artikulo sa Rappler, si Mayor Duterte raw ay 'Leader of bullies', so what?, Isa lamang ang dahilan kung bakit marami ang nakikibully kasama ni Mayor Duterte. Dahil karamihan ng mga taong nag-iisip ay sawang sawa na pawindang-windang na takbo ng bansa. Kumbaga, kailangan ng 'gulpi de gulat' na pahayag upang matauhan ang mga taong makitid at tulog ang utak. 'Di ba sila talaga ang matatawag na mga RETARDED? Ito yung mga taong gusto ng matiwasay na pamumuhay ngunit hindi naman nagbabago ng kilos at pag-iisip. Kuntento na sa nakangangang kalagayan ng bansa.