Tuesday, March 22, 2016

Gradweyt ka na pala! Ano na?

Panahon na naman ng pagtatapos ng mga mag-aaral. Nakahinga na ng maluwag hindi lamang ang mga estudyante pati na rin ang mga magulang o ang mga nagpaaral sa ilang taong sakripisyo at pagsusunog ng kilay upang makapag-aaral. Ngunit magsisikip ulit yan kapag dumating sa ilang buwan o taon nang gradweyt ay wala pa rin trabahong napapasukan. Mataas daw ang literacy rate ng mga Pinoy kumpara sa mga bansang namamarehas ng estado ng ekonomiya ng Pilipinas. Mataas man ang literacy rate, mababa naman ang employment rate at mahirap pa rin ang bansa. Ang hinasang dunong ay napakalimitadong mai-apply sa tunay na buhay kung dito rin lamang aasa sa kasalukuyang kalagayan ng Pinas. Walang siguradong trabaho ang naghihintay sa mga nagsisipagtapos at maaring dagdag na naman sa mahabang listahan ng unemployed ng mga nakaraang taon.

Ang mga de-kalibreng mag-aaral na nagsipagtapos ay may pangunahing target na makapagtrabaho sa ibang bansa upang doon linangin ang karera. Dati noon, tanungin mo ang isang bata, 'bakit gusto mong mag-nurse?', isasagot sa'yo 'kase po, gusto kong mag-alaga ng maysakit'. Ngayon, kapag tinanong mo na ang isang bata, isasagot sa'yo, 'kase po, gusto kong makapunta ng Canada o Europe'. Nakakaranas na raw ng 'brain drain' ang Pinas dahil sa sitwasyong ito. Ang mga Pinoy ay naka-program na mag-aral sa bansa pagkatapos ay mag-alsabalutan upang magtrabaho sa ibang bansa. Walang sapat na pagtatrabahuhan, mababa ang sahod na hindi makakabuhay ng disenteng pamilya kaya napipilitang lisanin ang sariling bayan. Dito rin makakakita na ang ibinayad mong tuition fees noong pumapasok ay mataas pa kaysa sahod mo kapag nakapagtrabaho.




Sa Pinas, ang mga graduates ng iba't ibang kurso ay iisa ang denominasyon ng babagsakang trabaho, kung hindi pagiging call center agent ay isang factory operator ng mga kompanyang pag-aari ng mga dayuhan. Ito ang ibinibida ng pamahalaan na nagbo-boom daw ang ekonomiya ng dahil dito. Oo, nadagdagan nga ang kabuhayan ngunit ito ay pantawid-gutom lamang ng mamamayan, walang nakaprogramang makaahon at umasenso. Ang GDP ng bansa ay mas nakalalamang ang services kaysa goods na nalilikha kaya naman walang sapat na pansariling produktong gamit na umiikot at ultimo bigas ay inaangkat pa sa Vietnam at Thailand. Halos lahat na lang, servicing, outsourcing ang namamayagpag na trabaho kaya naman walang sariling produkto na nalilikha ang bansa. Nagkalat ang mga industrial parks sa Calabarzon ngunit ang mga kompanyang nakatayo ay pag-aari ng mga banyagang Hapon, Intsik, Koreano, Kano at marami pa, na inaabuso ang napakamurang dalawa-singkong pasahod sa mga alilang Pinoy. Mistulang ang tanging papel lamang ng mga pinoy sa mga ito ay magsilbing murang alipin, literal na alipin sa sariling bayan, ito ang masakit na katotohanan. Ang mga halimaw na negosyante ay hindi binibigyang pagkakataong umangat sa buhay ang mga empleyado. Ni hindi binibigyang pagkakataong makapamuhunan din na makapagtayo man lang ng maliit na negosyo na balang araw ay sila naman ang tumanggap ng ibang magtatrabaho.

Ang mga mayayamang Pinoy o Tsinoy na negosyante ay mga walang ambag na produktong pwedeng ihilera sa pandaigdigang pamilihan. Kung hindi mga negosyong malls at entertainments ay negosyong pambisyo tulad ng alak at sigarilyo ang mga nagpayaman sa kanila. Yes, bisyo at leisure, entertainment ang mga nangungunang negosyo dahil ang mga ito ay madadaling ibenta sa mga tao at dyan magagaling ang mga Pinoy. Walang namayagpag na tatak-pinoy na produkto sa pandaigdigang pamilihan. Ika nga e, 'you have microchip, we have banana chip', 'you have spaceship, we have spacejeep (eto yung jeep na kayang kumarga ng isang barangay na hindi aarangkada hanggang hindi pa nakabitin ang driver)'. Ang South Korea noong 60's ay nasa krisis ng digmaan. Nagpadala pa nga ang Pinas ng tropa ng mga sundalo doon upang umayuda upang hindi masakop ng komunista ang kanilang bansa. Tingnan naman natin sila ngayon, yang hawak mong Samsung cellphone, gawa nila yan. Nariyan pa ang international car brands na Kia, Hyundai, Daewoo na galing din sa S.Korea. Anyare? Pareho-pareho lamang naman tayo ng librong binabasa. Dito makikita na ang talino at pinag-aralan ay ginagamit para makalikha hindi para magpaalila.

So, gradweyt ka na pala! Saan ang tungo mo? Kapag hindi ka bihasang mag-ingles, sori ka na lang dahil wala kang lugar sa 'job opportunity boom' na call centers na ipinagmamalaki ng pamahalaan. Nais mong magtrabaho sa gobyerno, kung wala kang backer, sori ka na lang, hindi doon kailangan ang talino, ang kailangan doon ay padreno. Magtataka ka, marami ang nakatengga at walang trabaho o hindi tugma sa trabaho ngunit malaki ang kakulangan ng bayan kahit sa mga pangunahing trabaho tulad ng guro, doktor at nars, pulis at military, at inhenyero. Isa lang ang dahilan n'yan, walang pampasahod dahil sa nagdarahop ang bansa. Nakakahon sa mahinang ekonomiya upang tustusan ang pangangailangan ng bansa.

Sa tahanan at paaralan, ang pangunahing ipinagsisiksikan sa utak ng mga bata ay 'mag-aral kayo nang makakuha ng magandang trabaho balang araw'. Ganito ang tipikal na kaisipan kung bakit nag-aaral ang mga Pinoy. Idinidesign na maging good workers or good peasants, o maging aliping sagigilid at magtrabaho sa ideyang inisip ng iba. Bakit kaya hindi natin palitan ang kaisipan ng 'mag-aral kayo at nang balang araw ay makatuklas at makalikha ng maraming trabaho'. Ito dapat ang kaisipang itinuturo sa paaralan. 'Ika nga ng kasabihan, 'a child should not teach what to think, but teach him how to think'.

No comments:

Post a Comment