Tuesday, March 22, 2016

Gradweyt ka na pala! Ano na?

Panahon na naman ng pagtatapos ng mga mag-aaral. Nakahinga na ng maluwag hindi lamang ang mga estudyante pati na rin ang mga magulang o ang mga nagpaaral sa ilang taong sakripisyo at pagsusunog ng kilay upang makapag-aaral. Ngunit magsisikip ulit yan kapag dumating sa ilang buwan o taon nang gradweyt ay wala pa rin trabahong napapasukan. Mataas daw ang literacy rate ng mga Pinoy kumpara sa mga bansang namamarehas ng estado ng ekonomiya ng Pilipinas. Mataas man ang literacy rate, mababa naman ang employment rate at mahirap pa rin ang bansa. Ang hinasang dunong ay napakalimitadong mai-apply sa tunay na buhay kung dito rin lamang aasa sa kasalukuyang kalagayan ng Pinas. Walang siguradong trabaho ang naghihintay sa mga nagsisipagtapos at maaring dagdag na naman sa mahabang listahan ng unemployed ng mga nakaraang taon.

Ang mga de-kalibreng mag-aaral na nagsipagtapos ay may pangunahing target na makapagtrabaho sa ibang bansa upang doon linangin ang karera. Dati noon, tanungin mo ang isang bata, 'bakit gusto mong mag-nurse?', isasagot sa'yo 'kase po, gusto kong mag-alaga ng maysakit'. Ngayon, kapag tinanong mo na ang isang bata, isasagot sa'yo, 'kase po, gusto kong makapunta ng Canada o Europe'. Nakakaranas na raw ng 'brain drain' ang Pinas dahil sa sitwasyong ito. Ang mga Pinoy ay naka-program na mag-aral sa bansa pagkatapos ay mag-alsabalutan upang magtrabaho sa ibang bansa. Walang sapat na pagtatrabahuhan, mababa ang sahod na hindi makakabuhay ng disenteng pamilya kaya napipilitang lisanin ang sariling bayan. Dito rin makakakita na ang ibinayad mong tuition fees noong pumapasok ay mataas pa kaysa sahod mo kapag nakapagtrabaho.




Sa Pinas, ang mga graduates ng iba't ibang kurso ay iisa ang denominasyon ng babagsakang trabaho, kung hindi pagiging call center agent ay isang factory operator ng mga kompanyang pag-aari ng mga dayuhan. Ito ang ibinibida ng pamahalaan na nagbo-boom daw ang ekonomiya ng dahil dito. Oo, nadagdagan nga ang kabuhayan ngunit ito ay pantawid-gutom lamang ng mamamayan, walang nakaprogramang makaahon at umasenso. Ang GDP ng bansa ay mas nakalalamang ang services kaysa goods na nalilikha kaya naman walang sapat na pansariling produktong gamit na umiikot at ultimo bigas ay inaangkat pa sa Vietnam at Thailand. Halos lahat na lang, servicing, outsourcing ang namamayagpag na trabaho kaya naman walang sariling produkto na nalilikha ang bansa. Nagkalat ang mga industrial parks sa Calabarzon ngunit ang mga kompanyang nakatayo ay pag-aari ng mga banyagang Hapon, Intsik, Koreano, Kano at marami pa, na inaabuso ang napakamurang dalawa-singkong pasahod sa mga alilang Pinoy. Mistulang ang tanging papel lamang ng mga pinoy sa mga ito ay magsilbing murang alipin, literal na alipin sa sariling bayan, ito ang masakit na katotohanan. Ang mga halimaw na negosyante ay hindi binibigyang pagkakataong umangat sa buhay ang mga empleyado. Ni hindi binibigyang pagkakataong makapamuhunan din na makapagtayo man lang ng maliit na negosyo na balang araw ay sila naman ang tumanggap ng ibang magtatrabaho.

Ang mga mayayamang Pinoy o Tsinoy na negosyante ay mga walang ambag na produktong pwedeng ihilera sa pandaigdigang pamilihan. Kung hindi mga negosyong malls at entertainments ay negosyong pambisyo tulad ng alak at sigarilyo ang mga nagpayaman sa kanila. Yes, bisyo at leisure, entertainment ang mga nangungunang negosyo dahil ang mga ito ay madadaling ibenta sa mga tao at dyan magagaling ang mga Pinoy. Walang namayagpag na tatak-pinoy na produkto sa pandaigdigang pamilihan. Ika nga e, 'you have microchip, we have banana chip', 'you have spaceship, we have spacejeep (eto yung jeep na kayang kumarga ng isang barangay na hindi aarangkada hanggang hindi pa nakabitin ang driver)'. Ang South Korea noong 60's ay nasa krisis ng digmaan. Nagpadala pa nga ang Pinas ng tropa ng mga sundalo doon upang umayuda upang hindi masakop ng komunista ang kanilang bansa. Tingnan naman natin sila ngayon, yang hawak mong Samsung cellphone, gawa nila yan. Nariyan pa ang international car brands na Kia, Hyundai, Daewoo na galing din sa S.Korea. Anyare? Pareho-pareho lamang naman tayo ng librong binabasa. Dito makikita na ang talino at pinag-aralan ay ginagamit para makalikha hindi para magpaalila.

So, gradweyt ka na pala! Saan ang tungo mo? Kapag hindi ka bihasang mag-ingles, sori ka na lang dahil wala kang lugar sa 'job opportunity boom' na call centers na ipinagmamalaki ng pamahalaan. Nais mong magtrabaho sa gobyerno, kung wala kang backer, sori ka na lang, hindi doon kailangan ang talino, ang kailangan doon ay padreno. Magtataka ka, marami ang nakatengga at walang trabaho o hindi tugma sa trabaho ngunit malaki ang kakulangan ng bayan kahit sa mga pangunahing trabaho tulad ng guro, doktor at nars, pulis at military, at inhenyero. Isa lang ang dahilan n'yan, walang pampasahod dahil sa nagdarahop ang bansa. Nakakahon sa mahinang ekonomiya upang tustusan ang pangangailangan ng bansa.

Sa tahanan at paaralan, ang pangunahing ipinagsisiksikan sa utak ng mga bata ay 'mag-aral kayo nang makakuha ng magandang trabaho balang araw'. Ganito ang tipikal na kaisipan kung bakit nag-aaral ang mga Pinoy. Idinidesign na maging good workers or good peasants, o maging aliping sagigilid at magtrabaho sa ideyang inisip ng iba. Bakit kaya hindi natin palitan ang kaisipan ng 'mag-aral kayo at nang balang araw ay makatuklas at makalikha ng maraming trabaho'. Ito dapat ang kaisipang itinuturo sa paaralan. 'Ika nga ng kasabihan, 'a child should not teach what to think, but teach him how to think'.

Monday, March 21, 2016

Dutertard

Ako raw ay isang dutertard sabi ng isang nagreply sa comment ko tungkol kay Mayor Duterte na tumatakbong presidente ng Pinas. 'Dutertard' ang mapanuyang katawagan sa isang taong humahanga at naniniwala sa mga sinasabi at ginagawa ni presidential aspirant Mayor Duterte. Ito marahil ay pinaghalong salita na duterte+retard, o nangangahulugan diumano ng pagkahumaling kay Mayor Duterte ay hindi na tumatanggap ng ibang paliwanag.


Aminado ako na fanatic ako ng mamang ito dahil siya lamang ang alam kong presidentiable na 'may bayag' na kayang baguhin ang lugmok na kalagayan ng bansa sa droga, kurapsyon, at kahirapan. May kakayahang baguhin, as in, turn the country upside-down upang linisin ang mga latak at dugyot na kalagayan ng lipunan. Sino ba ang presidente mo? Si Grace Poe, na itinakwil ang sariling estado, hilaw ang karanasan sa kalagayan ng bansa, at gusto rin daw maging panday na katulad ni FPJ? Si Binay na batbat ng kaso ng katiwalian, na inienjoy lamang ang immunity bilang VP kaya hindi makasuhan, parang mas marami pa ang naibulsang kaban kaysa napunta sa bayan at pati yata kanilang aso ay may pwesto sa pulitika na kapareho rin niyang korap at walang ginagawa? Si Mar 'bahala kayo sa buhay nyo' Roxas na humawak ng mahahalagang departamento ay naging inutil at ginawang inutil (i.e. walang alam sa Mamasapano incident, at parang zombie sa Yolanda tragedy)? Si Miriam na isang bulate na lang ang hindi pumipirma ay magpapaalam na?  Ilang presidente na ang naupo, at paulit-ulit na walang nagawang masasabing malaking pagbabago, all were recycled shit politicians, ang iba'y nananalo dahil lamang sa awa at kunwaring mga anghel at pagkatapos naman ng termino, ang bansa ay isa pa ring nganga. May mga kandidatong naghahangad ng ipinakamatataas na pwesto sa pamahalaan ngunit wala namang mga ibubuga. Sumisilong lamang sa anino sa kasikatan ng mga namayapang kamag-anak. Ngayon, ang tao ay sawang-sawa na at naghahanap ng isang tunay na pagbabago, isang taong may napatunayan, may political will at hindi corrupt. 'Ika nga, rule of the thumb, kapag ang pinuno ay hindi corrupt, half of the battle was already won.

Ang malalaking media tulad ng Abs-cbn, Inquirer, Rappler ay patuloy na binibira, sinisiraan sa pamamagitan ng malimit na paglalathala ng mga 'negative side' ni Duterte. Ang mga kalaban ay may malaking pondo para pambayad sa tv, radio ad campaigns, at pambayad sa 'under the table' transactions sa mga 'enveloped journalists' o 'di kaya naman ay may koneksyon at may share sila sa mga media networks na'to. Aayudahan pa 'yan ng nilutong surveys ng SWS at Pulse Asia na pag-aari rin ng mga negosyanteng konektado sa 'minamanok' na pulitiko. Pero hindi matitinag ang mga Duterte fans dahil sa paniniwalang siya ang huling baraha ng sambayanan. Marami ang gumagawa ng paraan upang maikampanya sya kahit sa sariling paraan. Makikita yan sa mga daan, post sa social sites ang mga walang bayad na campaign materials para kay Duterte. Ang mga kalabang kandidato ay garapal na tumatanggap ng campaign donations sa malalaking negosyante kaya naman hawak na sila sa leeg kapag naupo sa pwesto. Ang mga negosyante ay pumupusta sa mga kandidato kapalit ng 'proteksyon' sa negosyo kapag nanalo. Kumbaga, para sa mga negosyanteng ito, ang mas corrupt, mas maganda, ang mas aanga-anga, mas maganda. Kaya huwag na tayong magtaka kung bakit susuportahan at popondohan nila ang kandidatura ni Binay at Poe. Dahil para sa mga negosyanteng ito, business muna bago bayan. Ito ang iniiwasan ni Digong, ang magkaroon ng utang na loob sa mga ganid ng negosyante na tunay na dahilan ng paghihirap ng bansa.

Sabi ng isang artikulo sa Rappler, si Mayor Duterte raw ay 'Leader of bullies', so what?, Isa lamang ang dahilan kung bakit marami ang nakikibully kasama ni Mayor Duterte. Dahil karamihan ng mga taong nag-iisip ay sawang sawa na pawindang-windang na takbo ng bansa. Kumbaga, kailangan ng 'gulpi de gulat' na pahayag upang matauhan ang mga taong makitid at tulog ang utak. 'Di ba sila talaga ang matatawag na mga RETARDED? Ito yung mga taong gusto ng matiwasay na pamumuhay ngunit hindi naman nagbabago ng kilos at pag-iisip. Kuntento na sa nakangangang kalagayan ng bansa.

Tuesday, February 23, 2016

Mga Hayop Na Bakla

Sikat na naman si Manny Pacquiao, hindi sa nanalo na naman sa boksing kundi dahil sa pahayag niya sa isang panayam hinggil sa sa pananaw niya sa same-sex marriage. Naghimagsik ang mundo ng kabaklaan sa mga binitiwang salita ni Manny. Bugbog-sarado siya sa resbak na mga komento buhat sa mga bakla at tomboy o yung tinatawag na LGBT at mga tagasuporta nila. Tinawag kase niyang 'masahol pa sa hayop' ang mga taong nag-aasawa ng kaparehong kasarian. Ayon sa kanyang pahayag, walang hayop ang kumukuha ng kaparehong kasarian upang gawing kapareha. Mabuti pa raw ang mga hayop at alam ang dapat nilang kasamahin kaysa mga tao. Aniya, 'common sense lang 'yan'. Ngunit sa pahayag nyang ito, siya yata ang dapat magkaroon ng 'common sense'. Bago siguro buksan ang kanyang bunganga sa harap ng media, gumawa ng pagsasaliksik sa mga salitang babanggitin para hindi magmukhang engot.


Hindi ako 'bilib' sa pahayag ni Manny dahil sa mga sumusunod. Ang aking interpretasyon ay hindi alinman sa pro o against LGBT same-sex marriage. Pinagbasehan ko lamang ang kanyang pahayag at konteng buklat sa aklat upang i-analisa ang mga ito.

1. Mayroong MGA HAYOP NA BAKLA. Tinatayang 1500 species ng mga hayop ang nagkakaroon ng same-sex relationship. Marami sa mga ito ay karaniwang nakikita sa paligid lamang ng tahanan o yung tinatawag na domestic animals. Kaya mali ang kaalaman nya na hindi nangyayari sa mga hayop ang same-sex relationship.

2. Nanlahat sya ng tao na nakabase lamang naman ang kanyang pahayag sa kanyang alam na Abrahamic religion. Paano kung may ibang relihiyon na tanggap sa kanilang doktrina ang magsama ang magkapwa kasarian. Maaring may religion na may doktrina about same-sex marriage ay naaayon sa kanilang kasulatan kaya respeto lang sa ibang paniniwala. Kaya huwag, i-generalize na 'ang tao masahol pa sa hayop' kapag nakipagrelasyon sa kaparehong kasarian.

3. Nanahimik ang mga hayop, ikinumpara na naman sa tao. Hustisya para sa mga hayop na lagi na lamang batayan ng mga kagaguhan ng tao. Kung uso na ang internet noong panahon ng Espanyol, siguro ay kinuyog at na-bash rin ng mga Konyo at Jejemon si Jose Rizal sa kanyang pahayag na "ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda." Kasama na rin sigurong na-online bully sina Donya Theodora Alonzo, Paciano Rizal et.al.

Ang halos lahat ng mga bansa ay mayroon hiwalay na kapangyarihan ng estado at simbahan. Dahil sa panahon ngayon ay hindi maaaring gumawa ng batas na ang batayan lamang ay ang mga Kasulatang sinulat noon pang 2000-3000 years ago. Ang mga westernians na may nakararami ang Kristiyano pero may batas sila na umaayon sa same-sex marriage, dahil napag-alaman nila na ito ay mas umaaayon sa makataong pagkilala para sa lahat.  Nagkataon lamang na sa Pinas ay walang nasusulat na batas na pwedeng ikasal ang parehong kasarian. Dahil marami pa rin ang hindi tanggap sa mata ng mga Pinoy ang ganoong gawain o kaya naman ay katulad lamang iyan ng diborsyo na kaimpokrituhang sinusunod ang nakasulat sa Bibliya. Ang LGBT ay nagtanong, "bakit ako nilikha ng Diyos ng ganito, walang idinesign sa akin upang ako'y maging maligaya, ano Sya selective lamang para sa kanyang nilalang, ang pagkuha ng gustong kapareha ay para lamang sa mga straight? o medyo naboring Sya noong tapos nang likhain lahat kaya napagtripang mag cross-hormone experiment sa tao na kamalas-malasan ay ako ang lumabas."

In my point of view, bakit sisikilin ang kaligayahan ng tao kung hindi naman sila nakakaagrabyado sa iba. Sinasabi ng ilan o karamihan na 'offended' sila sa pagsasagawa ng same-sex marriage.  Sa mga Arab countries na legal ang mag-asawa ng maraming babae, may nagsasabi ba na 'offended ako dahil ako ay isang monogamous'. Kultura lamang iyan ng isang parte ng lipunan na mismong doon pa lamang sa pagtanggap sa pagkatao ng mga bakla at tomboy ay kinaaayawan na, iyon pa kayang same-sex marriage na sa isang banda ay hindi naman nila ginusto na maging ganoon ang kanilang pagkatao. Nararapat nang mamulat ang lahat sa bigotry na ito. Ang lahat ay may karapatang mamuhay ng maligaya nang hindi nagtatago sa dilim dahil sa pag-iwas sa pagkamuhi ng tao. Kung hindi naman nakakapanakit ng iba, may karapatang mabuhay ng malaya.

Sunday, February 14, 2016

Hapi Balengtayms

Hapi balengtayms, ang sabi nung batang nagtitinda ng bulaklak sa kalye. Pambigay daw sa taong minamahal. Valentine's day sa ingles, sa tagalog ay 'Araw ng mga puso', hmmm.. an'labo naman. Kahit kailan talaga ang mga Pinoy ay hari ng kalabuan. Ngayong ika-14 ng Pebrero, ginugunita ang Valentine's day ng mga taong nagmamahal. Naglipana ang may bitbit na bulaklak, kulay pulang hugis pusong kahon ng tsokolate, hugis pusong lobo, mga imahe ni kupido (bakit imahe ni kupido? bakit hindi imahe ni St. Valentine?) Kumpara sa karaniwang araw, nagsisilabasan ang mga magsing-irog sa araw na ito kaya naman nagkalat ang mga lovebirds sa lansangan, kanya-kanyang kapareha ang makikita sa mga parke. Fully-booked din ang romantic dining restos at mga motel. Iyong mga low-budget, pwedeng mag-Hokage moves, pwede na sa Luneta, tabing lang, ok na. Mas nabubuhay din ang komersyalismo sa panahong ito. Malakas ang negosyo ng bulaklak, tsokolate, greeting cards, romantic stuffs, couple's garments and accessories, restos, motels, bars. Kaya naman sinasamantala rin ito ng mga negosyante para kumita. Subalit, sa sankakristyanuhang nagdiriwang, nalalaman kaya ang kasaysayan ng taong nasa likod ng okasyong ito? Inaalala ba ang kanyang ginawang martyrdom at kabanalan? O baka ang ginugunita lamang ay ang kahiwagaan ng kanilang puso at puson?


Sa mga lovebirds ngayon na gumugunita ng Valentine's day, pause muna kung anuman ginagawa sa oras na'to. Hayaan nyong ilahad ko ang kasaysayan ng Valentine's day. Nagsimula ito noong sibilisasyong Romano. Isang paganong padiriwang na kung tawagin ay 'Lupercalia' o 'fertility festival' na idinaraos tuwing kalagitnaan ng buwan ng Pebrero. Hindi kalaunan, ginawa itong Valentine's day sa karangalan ni St. Valentine upang ma-'christianized' ang naturang pagdiriwang. Ngunit hindi malinaw kung sinong St. Valentine ang iginugunita dahil may ilang santo na may pangalang Valentine. Ngunit ang pinakatumatak sa lahat ay iyong St. Valentine na ikinulong, pinahirapan at ipinapatay sa pagpugot ni Emperor Claudius II noong Pebrero 14, 269 AD na nagpatotoo kay Jesus Christ sa pamamagitan ng pagpapagaling sa bulag. Isa pang St. Valentine ang nakilala na binabali ang kautusang bawal ikasal ang mga lalaki. Itong mga lalaki diumano ay nararapat gawing mandirigmang kawal ni Emperor Claudius, hindi para mag-asawa. Katulad ng nauna, si St. Valentine na ito ay pinahirapan at pinugutan din. Makalipas ang ilang panahon, si Pope Gelatius ang nagdeklara ng Pebrero 14 bilang Valentine's day na may kaugnayan sa kababaan-loob at may malambot na puso sa paggunita at bigay karangalan kay St. Valentine. Ngunit noong 1300s lamang ito naiugnay sa pag-ibig at romansa ng mga magsing-irog at sa mga taong nagmamahal dahil na rin sa adbokasiya ni St. Valentine na may kaugnayan sa love and marriage. Naniniwala rin ang mga tao na ang kalagitnaan ng buwan ng Pebrero ay 'mating season' ng mga ibon. Buhat noon, naging tanyag na ang pagdiriwang ng Valentine's day na iniugnay sa puso at pag-ibig.