Saturday, August 29, 2015

Laos Na Ang Gulong

Habang ako'y naipit sa napakahabang trapik, napagmasdan ko ang bandang ibaba ng mga sasakyan. Napaisip ako, bakit hindi kami umuusad? Dalawang dahilan, makipot na kalsada at maraming sasakyan. Bakit kaya ang hirap-hirap makarating sa point A to point B gayong napakalapad pa ang ibang bahagi ng kalupaan sa paligid na pwede namang daanan? Limitado ang pag-usad ng trapiko sa kakayahan ng gulong at ginawang kalsada para dito. Kumbaga, bakit kailangang maging ganito ang paggalaw ng trapiko na nakakahon sa ginawang linya sa kalupaan at umiikot na gulong?


Ang gulong o wheel, tire sa wikang ingles ay ang pangunahing bahagi ng sasakyang panlupa na umiiral mula pa noong sinaunang sibilisasyon, naimbento ito noon pang 4500 B.C. Magpasahanggang ngayon, dominante pa rin nito ang lansangan kahit moderno na ang halos lahat ng kagamitan. Nag-iiba ang hugis at disenyo ng mga sasakyan na may mga sopistikadong kakayahan pero iisa pa rin ang pangunahing paraan upang ito umusad sa kalsada - lahat ang nakadepende sa gulong.

Masyado nang sinauna ang gulong. Napapanahon na sigurong palitan ang paghahari nito sa lansangan at umimbento ng mas modernong pamamaraan upang umusad ang sasakyang panlupa. Kailangan nang palitan ang sinaunang teknolohiyang panahon pa ng flintstone ng mas bagong teknolohiya ng mobilisasyon?

Kung ating mapapansin, ang mga imbensyon ay halos ibinabase ang disenyo at balangkas sa mga nilalang na may kakayahan sa ganoong uri ng larangan. Halimbawa ang helicopter ay ibinase ang disenyo sa insektong tutubi na may kakayahang magpalit at gumalaw sa kahit anong direksyon sa himpapawid. Gayundin ang eroplano na ibinase sa paglipad ng ibon. Pamalit sa gulong, bakit kaya hindi natin subukan ang prototype na langgam? Pagmasdan ang mga langgam na nakapilang lumalakad buhat sa isang lugar tungo sa isang lugar. Gaano man sila karami ay nakakarating sila ng hindi humihinto o natatrapik sa kanilang byahe, gaano man kakipot at kahaba ang kanilang nilalakbay. Pwede rin nating pagbasehan ang palaka na may kakayahang magpalundag-lumundag upang makarating sa patunguhan. Nariyan din ang gagamba na pwedeng iakma sa gagawing sasakyan na may kakayahang gumapang at magpabitin-bitin sa mga gusali at poste. Olrayt! welcome to the joyride - parang nasa perya lang...

Hay, ganito talaga pag naiipit sa trapik lahat ay naiisip kung paano makakalaya sa lintek ng trapik na ito. Pagod at paos na akong boldyakin ang gobyerno, pasaway na drayber at komyuter kaya ibabaling ko na lamang ang yamot sa naggagawa ng mga sasakyan..."hoy @#$%&... toyota, honda, kia, isuzu, mazda, etc...maggawa kayo ng sasakyang hindi na ginagamitan ng gulong!"

Friday, August 28, 2015

Markang Demonyo

Lagi kong naririnig noong bata ako sa mga maglalasing sa amin, "ibili mo nga ako ang markang demonyo". Tinutukoy nila ang pinakapopular na alak sa Pilipinas maging sa ilang parte ng mundo na gin. Bilang bata, curious ako kung bakit markang demonyo ang tawag sa gin (actually Ginebra San Miguel ang brand nito). Habang tumatagal, nagkaroon ako ng sariling pakahulugan kung bakit markang demonyo ang tawag sa inuming iyon na kapag nakakainom ay parang mga sinasapian ng demonyo, tulad ng mga nagrarambo, naghahamon ng away na parang si incredible hulk, at nagwawasang sa bahay at nililigalig ang pamilya.


Kung pagmamasdan ang imahe na nakalagay sa label ng gin, ito ay may kaugnayan sa palasak na katawagang 'markang demonyo'. Subalit ano nga ba ito at saan ito nagmula, bakit iyon ang inilagay sa label ng alak na iyon? Kung babalikan ang kasaysayan, mahigit sandaang taon nang namamayagpag sa pamilihan ang alak na ito. Sinasabing inihanda ito sa makasaysayang Malolos Convention kung saan nabalangkas ang Malolos Constitution noong 1898. (Duda ako dito ah, parang usapang lasing lang ang nangyari noon, hehe). Aking napag-alaman din na ang label ng ginebra na pagmamay-ari ng business tycoon na si Don Enrique Zobel ay iginuhit ni National Artist Fernando Amorsolo na pinamagatang "Marca Demonio". 

'Yun naman pala! Pero di alam ng mga lasenggo yan, ang alam lang ng mga 'yun ay ang ubusin ang laman ng bote na yan. Tanungin mo sila 'pag lasheng na at ang isasagot ng mga yan "...kingina, 'di na importante 'yan pare...ang importante ay yung laman ng bote...obra ni nardong putik 'yan pare...tama na ang kwento, tagay nah, hik!"

Thursday, August 27, 2015

Malumbay na Awitin

Isang araw habang nakatutok ako sa sa isang istasyon ng radio, napansin kong sunod-sunod na pagpapatugtog ng mga malulungkot na kanta. Napaisip ako, masyado ‘ata depressed ang DJ nito bakit sinalangan nya ng malulungkot na awitin ang kanyang player? Ang intension ba niya ay paagusin ang luha ng kanyang tagapakinig. Sa tindi ng emosyon ay animo'y nanghihikayat itali ang leeg sa palupo ng bahay habang tinutugtog ang 'di ko kayang tanggapin' ni April Boy Regino? Samahan mo pa ng mga piyesa nina Imelda Papin, Aegis, at Bing Rodrigo ay talaga namang nakakapagbagbag-damdaming pakinggan.


Sa pagmuni-muni, aking napagtanto na ang emosyonal na epekto ng musika ay hindi nagmumula sa partikular na damdamin ng kanta, sa halip ay mula sa pagiging emosyonal na idinudulot sa nakikinig. Minsan, ang malulungkot na kanta ay nakakapagpabalik sa malulungkot na alaala at trahedyang nagdaan sa buhay ng isang indibidwal, ngunit mas madalas ang mga ito ay gumigising sa interes ng nakikinig dahil inilalarawan ng mga iyon ang mahahalagang mga kaganapan sa buhay ng ibang tao. Kung pagbabasehan ang  Semantic Pointer  Theory of Emotions ni Tobias Schröder, kung hindi naman nangyari sa buhay ang mga sinasambit sa malulungkot na awitin, wala itong magiging negatibong epekto. Sa katunayan, iyong mapapag-alaman na ang kasalukuyang estado ng iyong buhay ay hindi malungkot, trahedya o kasuklam-suklam na maaaring magbigay sa iyo ng isang pakiramdam ng kaluwagan at marahil ay kaligayahan na ikaw ay hindi dumaranas ng paghihirap na katulad ng sinasambit ng kumakanta. 

Marami pa rin ang nag-aabang sa bagong album ni Taylor Swift dahil balita ko'y may bago s'yang boyfriend ngayon. Aking aantabayanan ang kanilang breakup dahil siguradong patok na naman ang kanyang bagong breakup songs na gagawin.


Tuesday, August 25, 2015

Prologue

Ang blog na ito ay walang kinalaman kay Adan at Eva. Wala ring kinalaman kay Isaac Newton at mas lalong walang kinalaman kay Steve Job. Hindi rin ito konektado kay Edward at Bella ng Twilight movie saga at maging kay Edu Mansanas. Nais lamang ng may akda na maglaro ng mga titik upang makapagbahagi ng mga 'ginintuang' tilamsik ng diwa at pag-iisip. Ito ay paunang-sabi ng may-akda dahil nangangamba siyang singilan ng royalty fee ng mga taong nabanggit. :)


Kung kayo ay may mga saltik din, mangyari lamang na isulat sa comment section sa bawat topic na nakapaskil.