Saturday, August 29, 2015

Laos Na Ang Gulong

Habang ako'y naipit sa napakahabang trapik, napagmasdan ko ang bandang ibaba ng mga sasakyan. Napaisip ako, bakit hindi kami umuusad? Dalawang dahilan, makipot na kalsada at maraming sasakyan. Bakit kaya ang hirap-hirap makarating sa point A to point B gayong napakalapad pa ang ibang bahagi ng kalupaan sa paligid na pwede namang daanan? Limitado ang pag-usad ng trapiko sa kakayahan ng gulong at ginawang kalsada para dito. Kumbaga, bakit kailangang maging ganito ang paggalaw ng trapiko na nakakahon sa ginawang linya sa kalupaan at umiikot na gulong?


Ang gulong o wheel, tire sa wikang ingles ay ang pangunahing bahagi ng sasakyang panlupa na umiiral mula pa noong sinaunang sibilisasyon, naimbento ito noon pang 4500 B.C. Magpasahanggang ngayon, dominante pa rin nito ang lansangan kahit moderno na ang halos lahat ng kagamitan. Nag-iiba ang hugis at disenyo ng mga sasakyan na may mga sopistikadong kakayahan pero iisa pa rin ang pangunahing paraan upang ito umusad sa kalsada - lahat ang nakadepende sa gulong.

Masyado nang sinauna ang gulong. Napapanahon na sigurong palitan ang paghahari nito sa lansangan at umimbento ng mas modernong pamamaraan upang umusad ang sasakyang panlupa. Kailangan nang palitan ang sinaunang teknolohiyang panahon pa ng flintstone ng mas bagong teknolohiya ng mobilisasyon?

Kung ating mapapansin, ang mga imbensyon ay halos ibinabase ang disenyo at balangkas sa mga nilalang na may kakayahan sa ganoong uri ng larangan. Halimbawa ang helicopter ay ibinase ang disenyo sa insektong tutubi na may kakayahang magpalit at gumalaw sa kahit anong direksyon sa himpapawid. Gayundin ang eroplano na ibinase sa paglipad ng ibon. Pamalit sa gulong, bakit kaya hindi natin subukan ang prototype na langgam? Pagmasdan ang mga langgam na nakapilang lumalakad buhat sa isang lugar tungo sa isang lugar. Gaano man sila karami ay nakakarating sila ng hindi humihinto o natatrapik sa kanilang byahe, gaano man kakipot at kahaba ang kanilang nilalakbay. Pwede rin nating pagbasehan ang palaka na may kakayahang magpalundag-lumundag upang makarating sa patunguhan. Nariyan din ang gagamba na pwedeng iakma sa gagawing sasakyan na may kakayahang gumapang at magpabitin-bitin sa mga gusali at poste. Olrayt! welcome to the joyride - parang nasa perya lang...

Hay, ganito talaga pag naiipit sa trapik lahat ay naiisip kung paano makakalaya sa lintek ng trapik na ito. Pagod at paos na akong boldyakin ang gobyerno, pasaway na drayber at komyuter kaya ibabaling ko na lamang ang yamot sa naggagawa ng mga sasakyan..."hoy @#$%&... toyota, honda, kia, isuzu, mazda, etc...maggawa kayo ng sasakyang hindi na ginagamitan ng gulong!"

No comments:

Post a Comment